MANILA, Philippines - Muli na naman nagbago ng polisiya ukol sa truck ban ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) makaraang ihayag ni Chairman Francis Tolentino na muli niyang pinapayagang makadaan sa Roxas Blvd. ang mga delivery trucks.
Matatandaan na nitong nakaraang Disyembre 3, ipinagbawal ng MMDA ang pagdaan ng mga naglalakihang cargo trucks sa Roxas Blvd. na matagal na umanong nabinbin at upang maiprayoridad ang mga motorista na patungo sa mga airports at pasyalan sa bisinidad.
Ngunit kahapon, sinabi ni Tolentino na muli niyang bubuksan ang isang truck lane sa naturang kalsada makaraang pakiusapan umano siya ni Cabinet Secretary Jose Rene Almendras. Inirereklamo umano ng mga negosyante ang mabagal na pagkuha ng mga produkto na nakaimbak sa mga pantalan ngayong Disyembre.
Mag-uumpisa ang pagpapadaan sa mga trak sa Roxas Blvd. mula Disyembre 17 hanggang Disyembre 22 mula alas-12 ng madaling- araw hanggang alas-5 ng umaga.
Bilang solusyon naman sa mga nabalahaw na patungo ng airports, magbibigay ng libreng shuttle service ang MMDA sa mga pasahero. May anim na bus umano silang ilalagay sa Mall of Asia sa Pasay at sa Southwest Terminal sa Baclaran, Parañaque upang maghatid ng mga pasahero patungo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, 3, at 4. Kailangan lamang umanong ipakita ang mga airplane ticket upang maisakay ng mga shuttle service.
Samantala, sinisi rin ni Tolentino ang pagbaba ng presyo ng gasolina ngayong Disyembre sa napakatinding pagbubuhol ng trapiko. Sinabi nito na dahil sa mas mura ang krudo, mas maraming motorista ang naeengganyong gamitin ang kanilang mga sasakyan.