MANILA, Philippines – Personal na dumulog sa tanggapan ng pulisya ang isang caregiver para ireklamo ang ginawang panghoholdap sa kanya ng riding in tandem sa Marikina City kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay nakilalang si Jayson Soriano, 26, ng Brgy. Concepcion Dos, Marikina City.
Base sa inisyal na report sinabi ni Police Inspector Edwin Malabanan, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Marikina City Police, dakong alas-7:20 ng gabi nang maganap ang insidente habang naglalakad ang biktima kasama ang isang kaibigan nito sa kahabaan ng Oxford St, Brgy. Concepcion Dos.
Papasok na sa trabaho ang dalawa nang biglang sumulpot sa kanilang likuran ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at hinarang sila.
Bumaba ang dalawang suspek na armado ng hindi mabatid na kalibre ng baril at saka nag-anunsyo ng holdap.
Tinangay ang bag ng biktima na may cellphone, pitaka, cash at mahahalagang dokumento at saka mabilis na tumakas ang mga suspek.
Sa rogue gallery ng Marikina City Police ay nakilala naman ng biktima ang isa sa mga suspek na si Alvin Bartodazo, na tinutugis na ngayon ng mga awtoridad.