MANILA, Philippines – Patay ang isang 65- anyos na presidente ng Blumentritt Market Vendors Association nang pasukin ang bahay nito saka pagbabarilin sa ulo habang natutulog katabi ang apo sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang kinilalang si Belinda Bautista, biyuda, at residente ng M. Hizon St. Sta.Cruz, Maynila.
Sa ulat ni PO3 Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-8:00 kamakalawa ng gabi sa loob ng bahay ng biktima.
Nabatid na natutulog malapit sa pintuan ng bahay ang biktima katabi pa ang apo nang biglang pumasok ang salarin at walang sabi-sabi na tinarget ang ginang sa ulo.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen at kung sino ang may pakana nito.
Binubusisi naman ang anggulong may kinalaman sa posisyon nito bilang Pangulo ng vendors association sa kanilang lugar.
Tatlong tama ng bala ng baril ang tinamo ng biktima na indikasyong may matinding galit ang pumatay.