MANILA, Philippines - Isang 10-buwang gulang na batang lalaki ang nasawi matapos na aksidenteng mabigti sa lubid ng kanyang duyan sa loob ng kanilang bahay sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ayon kay PO3 Marlon dela Vega, imbestigador sa kaso, ang biktima na si Frederick Ballebar ay nagawa pang maitakbo ng kanyang nanay sa ospital, subalit hindi na rin ito umabot pa ng buhay.
Sabi ni Dela Vega, nangyari ang insidente sa loob ng bahay ng pamilya Ballebar sa Robina Road, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, ganap na alas-5 ng hapon.
Sa imbestigasyon, iniwan ng kanyang nanay na si Josie ang sanggol sa isa pa nitong anak na nakatatanda na si Jennifer para magtrabaho bilang store helper sa kalapit na tindahan.
Habang busy umano si Josie sa pag-aasikaso sa kostumer sa tindahan, dumating ang nakatatandang anak at ipinabatid na tila patay na ang kanyang bunso habang nakabigti sa nylon na panali sa duyan nito.
Agad na umuwi ng bahay si Josie saka itinakbo ang anak sa Novaliches District Hospital, pero idineklara rin itong dead-on-arrival, ganap na alas-5:40 ng gabi.
Hindi naman malinaw kung paano nabigti ng tali ng duyan ang beybi.
Samantala, hindi na pinaimbestigahan ng ina ng nasawi ang kaso ng anak matapos na lumagda ito ng isang waiver na nagsasaad na wala na siyang intensyon na palawigin pa ang kaso.