MANILA, Philippines - Pinadadampot ni Manila Police District (MPD) director Senior Supt. Rolando Nana sa kanya-kanyang mga station commanders ang mga naglipanang mga solvent boys sa Maynila kasunod ng traumang sinapit ng isang Adamson student kamakailan.
Si Carl Francis Abarro, 18, ay pinagtripan ng lima hanggang pitong solvent boys na binully at inihulog sa manhole sa Gomburza St. habang papauwi noong Nobyembre 17.
Aniya, kahit kanino ay maaaring mangyari ang sinapit ni Abarro. Tumagal ng anim na araw sa loob ng manhole si Abarro ng walang pagkain at inumin.
Ayon kay Nana, kailangan na i-rescue at madala sa Manila Social Welfare Department ang mga solvent boys na lulong na sa bisyo at malalim na ang epekto sa kanilang mga isip kung kaya’t nakakagawa ng masama sa mga inosenteng sibilyan.
Nabatid kay Nana na marami na silang natatanggap na report at reklamo hinggil sa pagdagsa ng mga solvent boys sa Maynila, partikular sa Lawton.
Magdaragdag na rin ng police visibility sa Lawton upang mas mabigyan ng proteksiyon ang publiko.