MANILA, Philippines - Patay ang apat na katao kabilang ang dalawang driver nang salpukin ng isang humaharurot na trailer truck ang isang delivery van, kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Dead-on-arrival sa Saint Dominic Hospital ang mga biktimang sina Gerry Mainit, driver ng trailer truck; Rodolfo Cahilig, driver naman ng delivery van; Jonathan Gabrinao, 27, pahinante, at isang hindi pa nakikilalang lalaki. Ang mga ito ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Lumalabas sa imbestigasyon ni PO1 Allan Laveres, ng Parañaque City Traffic Bureau, naganap ang insidente alas-5:00 ng umaga, malapit sa traffic light sa intersection ng CAVITEX at Marina Road, Brgy. Dongalo ng naturang lungsod.
Nabatid na patawid sa traffic light ang kulay puting delivery van (UCM-612) na minamaneho ni Cahilig at paparating naman ang isang humaharurot na trailer truck (RAC-240) na minamaneho naman ni Mainit at pag-aari ng RMCE Metal Products Trailer sa Parañaque City.
Patungo sa Marina ang van habang patungong Cavite City naman ang trailer truck.
Dahil mabilis ang trailer truck, hindi na nakontrol ng driver ang preno hanggang sa sinalpok nito ang delivery van.
Sa sobrang lakas nang pagkakabangga ay tumilapon ng ilang metro ang mga biktimang sina Mainit, Gabrinao, Cahilig at ang isang hindi pa nakikilalang biktima na pahinante rin ng nasabing truck na naging sanhi ng kamatayan ng mga ito.
Bumangga pa ang trailer truck sa railing ng expressway at wasak naman ang delivery van.
Samantala ang mga labi ng mga biktima ay pansamantalang inilagak sa Amigo Funeral Homes sa Baclaran Parañaque City para sa awtopsiya.
Binubusisi naman ng mga imbestigador ng Parañaque City Traffic Bureau ang nakakabit na close circuit television (CCTV) footage sa nasabing lugar at masusing iniimbestigahan ang insidente.