MANILA, Philippines - Muli na namang sumalakay ang riding-in-tandem na kriminal sa Caloocan City makaraang isang accounting analyst ang pagbabarilin at pagnakawan ng mga una, kamakalawa ng madaling-araw.
Nakaratay ngayon sa Manila Central University Hospital ang biktimang nagtamo ng tama ng bala sa braso at leeg na si Renz Bernal, 26, binata, accounting analyst ng Accenture Inc., at residente ng Rivera St., Sta. Quiteria, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Caloocan Police, dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa may Rivera St., Brgy. 163 Sta. Quiteria.
Papauwi na sa kanyang bahay ang biktima galing sa trabaho nang harangin ng dalawang salarin na magkaangkas sa isang motorsiklo.
Posible umanong pumalag ang biktima kaya ito pinaputukan ng mga salarin at tinamaan sa braso at leeg. Tinangay ng mga holdaper ang iPhone 5S ng biktima, at perang nagkakahalaga ng P28,000 na 13th month bonus umano nito sa kanilang kompanya saka mabilis na tumakas.
Mabilis namang sinaklolohan ng mga kagawad ng barangay ang biktima at isinugod sa pagamutan habang bigo ang pulisya na masakote ang mga salarin.