MANILA, Philippines – Positibo ang naging resulta sa isinagawang preparasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lahat ng local government units kung kaya’t maituturing na “zero casualty” ang Kalakhang Maynila sa nagdaang bagyong Ruby.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, kaya naging zero casualty ang Metro Manila ay dahil napaghandaan nang husto ang pagpasok ng kalamidad.
Ayon kay Tolentino, nagiging maganda ang resulta hinggil sa ginagawang paghahanda sa Metro Manila, partikular ang mga local government unit (LGUs) kapag may parating na kalamidad at ito’y dahil may natutunan nang leksiyon mula sa mga nagdaang kalamidad.
Maging sa ipinatutupad na preemptive evacuation ay sinigurong nasa ligtas nang lugar ang lahat bago pa man mahuli kung kaya’t mas mainam at tama lamang na maging handa.
Pinasalamatan din ni Tolentino ang mga mall operator, dahil bukod sa sumang-ayon ito sa kanyang kahilingan na magsara ng maaga, pinagamit pa nito ng libre ang kanilang parking lot lalo na sa mga walang matulugan. Partikular na tinukoy ni Tolentino ang parking lots ng SM.