Storm surge sa Manila Bay pinangangambahan

Sa kabila ng panganib na dala ng bagyo, makikitang masaya at masigla pa rin ang mga batang ito sa Baseco sa Maynila na nag­handa na ng kanilang mga gamit bilang preparasyon sa pag­hagupit ng bagyo sa Metro Manila. (Kuha ni ERNIE PEÑAREDONDO)

MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ng Manila Disaster Risk Reduction Ma­nagement Council (MDRRMC) na pinangangambahan nila ang  storm surge sa Manila Bay sa pagtama ng bagyong Ruby.

Ayon kay MDRRMC Director Johnny Yu,  posible  umanong  lumikha ng storm surge  na  dalawa hanggang  limang metrong taas at posibleng magdulot ng malaking pagbaha.

Aniya, 24/7 nagsasagawa ng monitoring ang iba’t ibang   department para agad na maayudahan ang  mga residente. Ito na rin ang dahilan kung bakit nila  pinalilikas ang lahat ng nasa Baywalk at maging mga residente sa mga baybayin.

Hindi umano dapat na maging kampante ang  mga residente lalo pa’t nagbibigay naman ng mga update at warning ang  mga national government upang mapaghandaan ang  bagyo.

Nakatuon aniya  sila sa lugar ng Baseco, Parola, Isla Puting Bato at  Happy Land. Maging ang mga nagtitinda sa kahabaan ng  Baywalk ay kanilang  pinalilikas.

Personal namang binisita ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang mga lugar na posibleng direktang  maapektuhan ng  bagyo. Pinakiusapan din  ni Moreno ang mga residente na huwag nang  hintayin pa ang  pagdating ng bagyo. Aniya, nakahanda naman ang mga evacuation  center ng  lungsod ng Maynila kung saan naghahanap  pa rin ng mga  alternatibong evacuation center sakaling mapuno ang mga ito.

 

Show comments