Sa CAMANAVA area preemptive evacuation sa danger zone

MANILA, Philippines -  Nagpatupad  ng kanya-kanyang preemptive evacuation  ang ilang lungsod sa CAMANAVA area kahapon dahil sa inaasahang matinding pagragasa ng bagyong Ruby umpisa kagabi (Disyembre 8). Sinabi ni Valenzuela Public Information Office head, Anna Mejia na maaga nilang pinalikas ang mga residente na naninirahan sa mga danger zones partikular sa may Polo at Tullahan river area.

Maaga ring pumosisyon ang mga rescue teams at mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction Management Team para rumesponde sa emergency.

Sa Caloocan City, ipinag-utos rin ni Mayor Oscar Malapitan ang paglilikas sa mga residente ng Brgy. 160, 163 at 164 na naninirahan pa sa gilid ng Tullahan River at hindi pa naire-relocate.  Mas mainam umano kung ililikas ang mga residente kapag nag-umpisa na  ang pag-ulan dahil sa patuloy ang tigas ng ulo ng mga residente habang wala pang nakikitang panganib.

Maaga ring nagsuspinde ng klase para ngayong Martes (Disyembre 9) sa lahat ng antas ng paaralan sina Mayor Rex Gatchalian ng Valenzuela at Mayor John Rey Tiangco ng Navotas at Caloocan Mayor Malapitan dahil sa inaasahang patuloy na buhos ng ulan.  Samantala sa Quezon City, maaga ring idineklara ang kanselasyon ng klase sa lahat ng level sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.

Ito ayon kay QC City Administrator Aldrin Cuna ay bunga pa rin ng banta ng bagyong Ruby sa Metro Manila.

Anya, nakaantabay na rin ang mga tauhan  ng Department of Public Order and Safety (DPOS) sa mga binabahang lugar sa lungsod partikular na ang Brgy. Silangan, Tatalon,  Araneta Avenue, Sto. Domingo, Talayan, North Fairview, sa may Brgy. South Triangle, Gulod at  Sta. Monica.

Sinasabing ang Metro Manila ay babayuhin ng mga pag-uulan at paghangin ng bagyong Ruby hanggang ngayong araw.

Ayon sa DPOS radio room sa QC hall, isa-isa na nilang inihahanda ang mga barangay halls at covered court upang paglagakan ng mga inaasahang evacuees na apektado ni Ruby. Sa ngayon ay patuloy umano ang kanilang pagbabantay sa sitwasyon. Bukod dito ay mayroon ding  mga nakaantabay na rescue boats , rescue equipments tulad ng lubid, flashlight at first aid kits para magamit sa panahon ng emergency.

 

Show comments