MANILA, Philippines - Nasa 1,000 pamilya ang inilikas sa lungsod ng Parañaque dahil sa pagragasa ng bagyong Ruby sa Metro Manila.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, nasa 300 pamilya na karamihan dito ay pawang mga kababaihan at mga bata na nakatira sa gilid ng Parañaque River sa Tabon at Rodriguez area, Brgy. Lahuerta ang kanilang inilikas.
Habang ang 609 naman ay nasa evacuation center ng Santo Niño Elementary at ang mga ito ay galing sa limang lugar ng Brgy. Santo Niño, na pawang nakatira sa tabing ilog.
Katuwang ng pamahalaang lungsod ng Parañaque ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbibigay ayuda sa mga pamilyang maaapektuhan ng bagyong Ruby at namahagi sa mga ito ng mga relief goods.
Samantala, nagpalabas kahapon ng direktiba si Taguig City Mayor Lani Cayetano, na hangggang ngayong araw na ito ay suspendido ang klase sa lahat ng antas, pribado at pampublikong paaralan.
Mariing tinututukan ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang mga lugar na posibleng tumaas ang tubig baha at naglagay na rin sila ng mga evacuation center.
Sa area naman ng Makati, nabatid na ang pamahalaang lokal nito ay naglagay na rin ng command post sa ground floor sa lobby ng main building ng Makati City Hall Building, na siyang mangangasiwa sa koordinasyon ng Makati Command Control Communication, Makati Disaster Risk Reduction Management Council (DRRMC) at pulisya, fire at rescue teams.
Samantala, maaga rin inanunsyo ni Manila Mayor Joseph Estrada na wala nang pasok sa lahat ng antas ngayon (Martes) sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa Maynila. Ito ay bunsod na rin ng inaasahang pagtama ng bagyong Ruby.
Ayon kay Estrada, mas mabuti nang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante kung saan mas tiyak ang kanilang kapakanan kasama ang kanilang mga pamilya.