MANILA, Philippines – Mahigit sa P3 milyong halaga ng salapi at mamahaling alahas ang natangay na pag-aari ng singer-actress na si Agot Isidro matapos mabiktima ang kanyang kasambahay ng kilabot na “Dugo-Dugo” gang sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Sa ulat ni PO2 Marlon dela Vega ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nangyari ang insidente sa may bahay ng singer-actress na si Agot o Margarita Sandejas, sa Blue Ridge Subdivision, sa lungsod, sa pagitan ng alas 3 ng hapon hanggang alas 7 ng gabi.
Ayon kay Dela Vega, ang mga suspect ay kinabibilangan ng dalawang lalaki at dalawang babae na tulad ng modus operandi ay magkukunwaring kakilala ng kanilang target at tatawag sa bahay nito saka sasabihing nakadisgrasya ang kanilang amo at nangangailangan ng malaking halaga ng pera.
Ito ang nangyari nang natanggap ng kasambahay nito na si Manilyn Umapas mula sa isang babaeng caller na nagsabing ang singer ay nasangkot sa vehicular accident.
Sinabi ng babaeng caller sa kasambahay na ang nabangga ng kanyang amo ay isang mayamang intsik na ang pangalan ay isang Ana Chua na kailangang bayaran ng kanyang amo.
Matapos nito, inutusan ng caller ang kasambahay na buksan ang vault sa kuwarto ng actress na nasa 2nd floor at kunin lahat ng mga laman nito na siya namang sinunod ng huli.
Nilagay ng kasambahay ang pera at alahas sa isang bag, saka nagtungo sa isang branch ng Wilcon depot sa Balintawak kung saan siya kinatagpo ng isang babae na nagpakilala namang secretary ng kausap niya sa telepono at doon ibinigay ang nasabing gamit.
Matapos maiabot ang bag na naglalaman ng items ay saka pinauwi ang kasambahay kung saan pagdating niya ng bahay ay saka niya nalamang naloko siya nang malamang ang among si Isidro ay kasalukuyang nasa trabaho pa at walang anumang masamang nangyari.
Sa kasalukuyan, sabi ni Dela Vega, nagsasagawa pa rin sila ng pagsisiyasat kaugnay sa insidente, particular sa kasambahay ng singer.