MANILA, Philippines - Dahil sa pag-counterflow, aksidenteng natuklasan ng mga tauhan ng Mobile Patrol Unit ng Manila Police District (MPD) ang dalang dalawang granada, isang kalibre .45 pistola na kargado ng mga bala ng dalawang lalaking lulan ng isang tricycle sa Ronquillo St., Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni MPD-MPU chief, Chief Inspector Rene Geronimo ang mga nadakip na sina Joey Guevarra, 37, miyembro ng Bahala na Gang, ex-convict na nakulong ng sampung taon sa New Bilibid Prison sa kasong robbery, at Epifanio Avelino, 50, kapwa residente ng Talaba 4, Bacoor, Cavite. Nakatakas naman ang nagsilbing driver ng tricycle na sinakyan ng dalawa.
Sa ulat, dakong alas-10:00 ng gabi nang mapansin nina PO3 Arman de Villar, PO3 Nelson Laguardia at PO3 Arnel Alguera, ng Mobile 393 ng MPD ang pagsalungat sa linya ng one-way street ng nasabing tricycle kaya pinara ito at sinita.
Nang masita ay nagsipulasan ang dalawa habang ang tricycle din ay dumiretso ng takbo. Hinabol umano ng mga pulis ang dalawang suspek na nagtangka pang bumunot ng baril ni Guevarra nang makorner sila.
Pinadapa ang dalawang suspek kung saan nakuha kay Guevarra ang baril at isang granada habang kay Avelino naman ay isa pang granada.
Depensa ng dalawa na kaya sila may dalang baril at granada ay upang ibenta na hindi pinaniwalaan ng pulisya kundi posibleng may balak ang mga ito na mangholdap. (Ludy Bermudo)