Paghahanda kay ‘Ruby’: 1,000 pulis, ikakalat sa Metro
MANILA, Philippines - Nasa mahigit sa isang libong kapulisan ang pinakalat simula kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa iba’t ibang lugar ng Kalakhang Maynila upang magbantay at umalalay sakaling manalasa ang bagyong Ruby at para na rin sa ginaganap na Asian Pacific Economic (APEC) Summit.
Ayon kay NCRPO Director Carmelo Valmoria, ang kabuuang 1,251 police personnel ay manggagaling mismo sa headquarters sa Camp Bagong Diwa Taguig City.
Samantala, may kabuuang 24 na rubber boats na rin ang inihanda para gamitin sa rescue operation kung sakaling matinding manalasa ang bagyo sa Metro Manila.
Idinagdag pa nito na bukod sa pagbabantay sa sitwasyon ng bagyo, nakatutok din ang mga kapulisan sa gaganapin na informal seniors officers meeting para sa APEC Informal Senior Officials’ Meeting (ISOM), na ginaganap sa lungsod ng Makati.
Nabatid, na ang pagdadausan dapat ng pagpupulong ay sa Legaspi Albay, subalit inilipat ito sa Maynila dahil kasama ang naturang lalawigan sa dadaanan ng bagyong Ruby.
Bukod pa rito, nagsagawa na rin ng close-door meeting ang pamunuan ng Southern Police District (SPD) para sa pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa nasabing pagpupulong.
Alas-5:00 kamakalawa ng hapon nang itaas sa full alert status ng NCRPO ang Metro Manila, samantalang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay naunang nagpatupad ng blue alert status. (Lordeth Bonilla)
- Latest