MANILA, Philippines - Nalaglag na sa kamay ng pulisya ang isang taxi driver na pinaniniwalaang responsable sa serye ng panghoholdap at panggagahasa sa babaeng pasahero na ang pinakahuling biktima ay pamangkin ng isang pulis na driver ni Pangulong Noynoy Aquino, matapos matunton sa kanyang bahay sa Maharlika Village sa Taguig City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni MPD-District Intelligence Division chief, Supt. Raymund Liguden ang suspek na si Miguel Maranan, 31, ng Maharlika Village, Taguig City. Maging ang minamanehong taxi ay dinala na rin sa MPD headquarters na gagamiting ebidensiya sa paghaharap ng kasong robbery at rape sa Manila Prosecutor’s Office.
Sa pahayag ni Liguden, ang biktima na itinago sa pangalang Valerie, 19-anyos, estudyante ng De La Salle University at pamangkin ng pulis na driver ni PNoy ay pormal nang nagharap ng reklamo sa MPD-Women and Children’s Protection Section laban kay Maranan, kasunod ng pagkakadakip dito.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-12:40 ng hatinggabi noong nakalipas na Martes makaraang gumimik sa Global City. Sumakay ang biktima sa taxi at habang nagpapa-alam sa mga kaibigan ay umupo ito sa likurang upuan. Hindi nito inakalang may nagtatagong lalaki sa harapang upuan katabi ng driver.
“Pagsakay niya, hindi niya napansin na may lalaking nakayuko sa unahan, nakatakip daw ng itim na bagay kaya hindi nakita. Eto yung kasabwat ng driver, na target namin na mahuli rin,” ani Liguden.
Nang magdeklara ng holdap ay natakot ang biktima kaya bukod sa dalang bag at cell phone ay nagawa pang i-withdraw ang pera niya nang magpahatid sa kanyang condominium sa Vito Cruz, sa Malate, Maynila.
Hindi pa nasiyahan sa nakuhang P6,000 cash mula sa ATM, dinala pa ang biktima sa Victoria Court sa Las Piñas City at doon siya hinalay ng suspek na si Maranan sa loob ng 6 na oras bago siya pinakawalan.
Nabatid na nagsilbing kasabwat at look-out lamang ang isa pang suspek na hindi pa ibinunyag ang pangalan.
Halos tatlong araw na nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Liguden hanggang sa madakip na kahapon dakong alas-7:40 ng umaga ang suspek.