MANILA, Philippines - Isang babae ang sugatan nang tangkaing apulain ang apoy sa nasusunog niyang bahay sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat ng Quezon City Fire Station, ang biktima ay nakilalang si Jocelyn Tordesillos, residente sa Kapalaran St., Payatas Road, Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Sabi ng Commonwealth Fire Station, bukod sa bahay ni Tordesillos, dalawa pang bahay ang nadamay sa nasabing sunog na sumiklab, ganap na ala-1 ng madaling-araw.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, bigla na lang umanong may lumabas na usok mula sa bahay ng biktima hanggang sa maglagablab ito. Pero tinangka anyang apulain ng biktima ang apoy kung kaya nalapnos ang kanyang dalawang mga kamay at masugatan.
Umabot sa ikalawang alarma ang nasabing sunog, bago tuluyang naapula ito, ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Hinala ni Fernandez, electrical short circuit ang ugat ng nasabing sunog dahil marami anya silang nakitang mga mababang kawad ng kuryente sa lugar. Inaalam pa ang halaga ng pinsala sa nasabing sunog.