Shuttle services idi-deploy sa mga malls
MANILA, Philippines - Ipinahayag kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na simula ngayong araw na ito magdi-deploy sila ng mga shuttle services sa mga pangunahing shopping malls sa EDSA.
Bilang bahagi ng programa ng MMDA at mga shopping mall ngayong buwan ng Kapaskuhan, kung kayat simula alas-11:00 ng gabi ay maglalagay ng mga shuttle services sa mga pangunahing shopping malls.
Ito ay tulong na rin ng MMDA sa mga mananakay at mga shoppers dahil ang mga oras na iyun ay wala ng MRT at kulang na ang mga public utility vehicle.
Ang apat na public utility buses na ilalagay sa mga mall ay may sticker na “MMDA Christmas Shuttle” ay idi-dispatch sa anim na shopping malls.
Ito ay ang Star Mall, SM Megamall, SM North EDSA, SM Mall of Asia. ETON Centris at Trinoma Mall at maglalagay din ng dispatcher dito na magmumula ito sa ‘Task Force Takipsilim’.
Ang mga idi-dispatch na shuttle buses ay maghihintay para sakyan ng mga shoppers at maging ng mga mall employees.
Paalala lang ng MMDA, ang naturang mga shuttle services ay may bayad at ang magiging pamasahe nito ay base sa regular fare na itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang pagdi-deploy ng mga shuttle services ay bunsod sa pinagkasunduan ng MMDA at mga operator ng mga shopping mall hinggil sa pinatutupad na “staggered o mall schedule” para na rin makabawas ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila.
Ang naturang shuttle buses ay magseserbisyo hanggang Enero 5, 2015.
- Latest