4 kinasuhan sa ni-raid na prostitution den

MANILA, Philippines – Ipinagharap na ng mga kasong  paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Anti Child Abuse Law ng National Bureau of Investigation (NBI) ang operator at mga personnel ng isang prostitution den na nagbubugaw ng mga babaeng menor de edad sa Caloocan City, na sinalakay noong nakalipas na linggo.

Nabatid na inihain ng NBI- Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) sa Department of Justice (DOJ) ang mga kaso laban kay Mario Bobier, na tinatawag nilang alyas Tatay, may-ari ng ‘casa’ sa  Dagat-dagatan, Caloocan City at mga tauhan nito na sina Evangelina Molina, Janine Santos, at Jojit Malicdem­.

Tatlo sa walong babaeng nailigtas ng NBI-AHTRAD ang natukoy na menor de edad na sinasabing naibubugaw sa mga parukyano sa halagang P2,000.

Sa impormasyon ng NBI, may 10 taon nang inooperate ni Bobier ang  nasabing casa na maraming alagang  babae na menor de edad .

May pagkakataon din umanong ibinebenta pa sa dayuhan ni Bobier ang mga menor dahil isa sa na-rescue ay isang 15-anyos na babaeng umamin na naibenta siya sa halagang P20,000 sa isang turistang Japanese.

Karaniwan na umanong nire-recruit ni Bobier ang mga dala­gitang nagmumula sa mahihirap na lugar tulad ng squatters.

Kasalukuyang nakapiit pa sa NBI detention cell ang mga suspek.

Show comments