MANILA, Philippines – Pinakakasuhan na ng Department of Justice sa Makati Regional Trial Court ang 14 na katao na sinasabing responsable sa pagkamatay ng estudyanteng si Guillo Cesar Servando sa naganap na hazing ng Tau Gamma Phi Fraternity ng De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB) chapter noong Hunyo 28.
Batay sa 24-pahinang resolusyon na may petsang Nobyembre 5 nakakita ng probable cause ang panel of prosecutors na kinabibilangan nina Prosecutor General Claro Arellano at Assistant State Prosecutor Stewart Allan Mariano para kasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 8049 o Anti-Hazing Law ang 14 na katao.
Ang mga pinakakasuhan ay kinabibilangan nina Cody Errol Morales; Daniel Paul Martin Bautista, alias Pope Bautista; Esmerson Nathaniel Calupas, alias Emeng; Hans Killian Tatlonghari, alias Hans Tamaring; Eleazar Pablico, alias Trex Garcia; Vic Angelo Dy; Mark Andrew Ramos; Michael David Castañeda; Justin Francis Reyes, alias Rayjay at Jayray; Kurt Michael Almazan, John Kevin Navoa; isang alias Kiko; alias Bea at Jane Doe. Karamihan sa mga suspek ay miyembro ng Tau Gamma Phi.
Pinawalang-sala naman dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya sina Jemar Pajarito, ang caretaker ng bahay sa Palanan, Makati City kung saan nangyari ang hazing; Luis Solomon Arevalo, Carl Francis Loresca, Steven Jorge Peñano, Ma. Teresa Dayanghirang at Alyssa Federique Valbuena.
Batay sa resolusyon, hindi kabilang ang anim sa mga nanakit kay Servando, at sa kapwa neophytes nitong sina John Paul Raval, Lorenze Anthony Agustin at isang menor-de-edad.
Sinabi ni Prosecutor Mariano na inaprubahan na rin nila ang pagiging state witness nina Pajarito at Arevalo.
Ayon sa panel, ang positibong pagkilala at testimonya nina Pajarito at Arevalo ay hindi naman kinontra ng mga suspek kung kaya’t naniniwala silang nagsasabi ang mga ito ng totoo.
Nagpasalamat naman si Aurelio Servando, ama ng biktima sa paglalabas ng resolusyon. Umaasa umano siya na may madadakip na sa mga suspek. Aniya, kilala na din nila sina “Kiko” at “Bea.”
Matatandaang nag-isyu ang DOJ ng lookout bulletin order laban sa mga suspek upang mamonitor sakaling lumabas ng bansa.
Subalit ayon naman sa Bureau of Immigration (BI) nakalabas na ng bansa ang apat sa mga suspek na kinabibilangan nina Calupas, Tatlonghari, Pablico, at Navoa bago pa nailabas ang LBO.