MANILA, Philippines - Isang motorcycle rider ang nasawi matapos masagasaan ng isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Parañaque City, kahapon ng umaga.
Halos inabot ng dalawang oras bago tuluyang naialis sa kalsada ang bangkay ng biktima na nakilalang si Rodel Daranday, at naninirahan sa Aragon Compound, Brgy. San Nicolas, Bacoor Cavite sanhi ng pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Dahil dito, matinding trapik naman ang naging dulot sa sa ilang bahagi ng Roxas Boulevard.
Agad namang sumuko ang driver ng 7 Sky Express Liner na may plakang TYM-816 na si Alberto Abadayo, 45, ng Pasig City matapos ang insidente.
Ayon sa pagsisiyasat ni SPO1 Reynaldo Serapina ng Parañaque City Traffic Bureau, naganap ang insidente alas-6:30 ng umaga sa kahabaan ng NAIA Road, panulukan ng Roxas Boulevard. Brgy. Tambo nang nasabing lungsod.
Base sa nakalap na impormasyon kay MMDA Traffic Constable Napoleon Reyes, nakita nitong pakanan sa NAIA Road ang naturang aircon bus nang aksidenteng nadulas at sumemplang naman ang minamanehong motorsiklo (1513-PX) ng biktima na dumaan umano sa gutter.
Sa pagkakatumba ng motorsiklo ng biktima ay nagulungan ito ng naturang bus na naging sanhi ng agarang nitong kamatayan.