MANILA, Philippines - Pormal nang naghain ng nagreklamo sa Land Transportation Office (LTO) ang MMDA traffic enforcer kasabay ng paghiling sa ahensya na ikansela ang driver’s license ng Maserati driver na nanapak sa kanya sa Quezon City noong nakaraang linggo.
Personal na nagtungo sa LTO main office kasama si Atty. Emerson Carlos, head ng Operations Division ng MMDA si Jorbe Adriatico upang ihain ang reklamo laban kay Joseph Russell Ingco. Tinanggap naman ni Atty. Robert Valera, hepe ng LTO Intelligence and Investigation Division ang naturang reklamo. Ani Valera, agad uupuan ng tanggapan ang naturang reklamo.
Samantala, naniniwala naman si (MMDA) Chairman Francis Tolentino na may kinalaman si Ingco sa paglantad ng babaeng motorista na inirereklamo si Adriatico.
Ayon kay Tolentino, posibleng pakana lamang ni Ingco ang paggamit at paglantad ng isang babaeng law student dahil nais lamang nitong ilihis ang tunay na isyung kanyang kinasasangkutan at siraan ang pagkatao at kredibilidad ni Adriatiaco. Idinagdag pa ni MMDA chairman na hindi uubra ang ganitong pakana ni Ingco upang takasan ang kanyang pagkakasala dahil wala naman itong kinalaman o koneksiyon sa insidente at usaping kanyang kinasasangkutan.
Hamon na rin ni Tolentino sa babaeng motorista na nakilala sa pangalang “alyas Grace”, na magbigay na rin ng formal statement ukol sa reklamo niya kay Adriatico at hindi naman aniya maaaring nakatago ang pagkakakilanlan nito at kung kailangang maprotektahan ito ay bibigyan nila ng proteksiyon.
Matatandaang nitong Linggo ay lumantad ang naturang law student at ikinuwento ang naranasang pambabastos umano sa kanya ni Adriatico noong unang linggo ng Nobyembre. Kahapon naman, dalawa pang vendors ang nagpatunay sa umano’y magaspang na pag-uugali ng enforcer.
Ayon sa dalawang tindero na nagmumura at laging galit sa mundo si Adriatico na maging mga commuter ay nababastos sa pag-uugali nito.