MANILA, Philippines – Umaabot sa mahigit P2 milyon ang koleksiyon sa mga UV Express na nagteterminal sa Lawton kada Linggo.
Ito naman nakasaad sa dokumento ang kasabay ng pag-amin ng isang barangay official na ang P2,310,000.00 ang nakokolektang halaga kada linggo sa 700 UV express na bumibiyahe. Ayon sa source wala pa rito ang mga nakokolekta mula sa mga bus.
Nabatid na may tig 250 unit ang bumibiyahe ng Molino, Cavite at Moonwalk, Cavite habang 200 units naman ang sa Paliparan, Parañaque. Ang 700 UV express ay nagbabayad ng P150 kada biyahe.
Binigyan diin ng source na ito rin ang dahilan kung bakit malaya na namang nakakapag-operate ang mga UV Express.
Ikinagulat naman ni Manila Mayor Joseph Estrada ang muling pamamayagpag ng UV Express sa Lawton. Aniya, paiimbestigahan niya ang isyu matapos na makatanggap ng impormasyon na hawak ito ng isang barangay official at ilang pulis.
Sinabi ni Estrada na sa koleksiyong ito, nagdurusa naman ang mga commuters dahil nagpapasikip pa sa mga kalsada ang mga UV express na nakahimpil sa daanan ng mga public utility vehicle.
Tiniyak ni Estrada na mananagot ang sinumang nagbigay ng ‘go signal’ sa operasyon ng UV express sa Lawton.