MANILA, Philippines - Mariing pinanindigan kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na hindi niya papayagan makipag-areglo ang negosyanteng may-ari ng sports car na nanggulpi sa kanilang traffic enforcer noong Huwebes ng umaga sa Quezon City.
Hindi papayagan ni Tolentino na makipag-areglo ang suspek na si Joseph Russel A. Ingco ng Valencia Hills, New Manila laban sa biktimang si MMDA Traffic Constable Jorbe Adriatico.
Dahil kung magkakaroon ng aregluhan para na aniyang walang batas na pinatutupad, ang nais nito ay masiguro na ma-revoke ang driver’s license ni Ingco.
Nabatid pa kay Tolentino, kung mayroon aniyang baril si Ingco ay ipawalang bisa ang license firearm nito para hindi na makapanakit ng iba.
Kamakalawa ng gabi ay naunang nag-alok ng halagang P.1 milyong pabuya si Tolentino sa sinumang impormanteng makapagtuturo sa kinaroroonan ni Ingco.
Nanawagan si Tolentino kay Ingco na sumuko na sa mga awtoridad matapos nitong gulpuhin at kaladkarain si Adriatico noong Huwebes ng umaga sa panulukan ng Araneta at Quezon Avenue, Quezon City.
Gayon pa man, ginarantiya naman ni Tolentino ang kaligtasan ni Ingco kapag sumuko ito sa pulisya at nakatitiyak na igagalang ng mga kapulisan ang karapatan nito.
Sa impormasyon nakalap ni Tolentino, napag-alaman na ang may-ari ng kulay asul na Maserati Ghibli ay pag-aari ng isang negosyante na may sariling kompanya.
Nalaman din, na isa ring kontratista at operator ng transportation company ang suspek kung saan may malaking planta at fastfood chain.
May mga napaulat na kaibigan ng isa sa akusado sa Vhong Navarro case ang suspek na sinasabing may koneksiyon sa ilang opisyal ng gobyerno, subalit hindi naman ito kinumpirma ni Tolentino.
Nabatid na natunton ng mga operatiba ng pulisya ang sports car habang nakaparada sa parking A ng Valencia Towers na ang conduction sticker nito ay QQ-0057 kung saan pinuntahan ng mga pulis ang Unit 1502 na tinutuluyan ni Ingco pero wala ito.
Samantala, humingi na rin ng sorry si Ingco kahapon sa nasabing traffic enforcer sa pamamagitan ng statement na ipinadala nito sa iba’t ibang media outfit.
“I hope that people will let due process take its course. I am praying for the patience and understanding of everybody,” pahayag ni Ingco na aminadong apektado na ang kaniyang asawa at mga anak sa mga banat na kaniyang natatanggap sa social media at maging sa mga balita bunga ng insidente.