MANILA, Philippines – Nag-alok ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng P100,000 pabuya para sa magbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkakadakip ng driver ng sports car na nanakit sa isang traffic enforcer sa lungsod ng Quezon kahapon.
Sinabi ni MMDA chairman Francis Tolentino sa kanyang panayam sa "Umagang Kay Ganda” ng ABS-CBN na nais niyang maresolba ang kaso sa pananakit ng negosyanteng si Joseph Russell Ingco sa tauhan ng MMDA na si Jorbe Adriatico.
Sinapak umano ni Ingco si Adriatico bago kinwelyuhan at kinaladkad nang parahin siya dahil sa paglabag sa batas trapiko.
Nabali ang ilong ng traffic enforcer at nagtamo ng pasa sa katawan.
"Ginagarantiya po naman natin ang kanyang safety. Kung natatakot siya na magkaroon ng verbal abuse o saktan. Huwag po niya isipin 'yun," panawagan ng MMDA chairman.
"Nakakasiguro po siya na igagalang din ng kapulisan ang kanyang mga karapatan," dagdag ni Tolentino.
Sinabi ni Tolentino na nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago si Ingco sa Bulacan.
Samantala, ayaw ni Tolentino na mauwi sa areglo ang kaso ng kanyang tauhan at ng negosyante.
"Kung aaregluhin lang 'yan, hindi halos wala na tayong batas na pinatutupad. Ang gusto po natin mangyari dito, unang-una siguro ma-revoke ang lisensya nito ni Mr. Ingco," wika niya.