MANILA, Philippines - Gulpi-sarado at kinaladkad pa ang traffic constable ng Metro Manila Development Authority (MMDA) makaraang sitahin nito ang isang driver ng sports car na lumabag sa batas trapiko sa Quezon City kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police Traffic Sector 4, ang biktima na duguang isinugod sa ospital ay kinilalang si Jorby Adriatico na nagtamo ng sugat sa ilong bunga ng pananapak na ginawa ng suspect na si Joseph Russel Ingco na lulan ng Marshal Maserati na walang plaka sa panulukan ng Araneta Avenue at Quezon Avenue.
Nabatid na nagmamando ng trapiko si Adriatico kasama si Rodolfo Fernandez nang mamataan ang sports car na mula sa Del Monte na kumaliwa sa Araneta Avenue.
Dahil ipinagbabawal ang mag-U-turn ay kinunan ng litrato ni Adriatico para maging ibidensya pero minasama ito ni Ingco at nag-dirty finger pa sa kanya ito.
Gayon pa man, muling nag-U-turn ang suspect sa intersection saka huminto malapit kay Adriatico.
Nagpasyang lapitan ni Adriatico ang motorista saka pinakiusapang ulitin ang ginawang pag-dirty finger sa kanya subalit biglang hinablot ni Ingco ang uniporme ng biktima sabay na pinaandar ang sasakyan.
Habang kaladkad ay sinusuntok ni Ingco si Adriatico saka binitiwan pagsapit sa Scout Chuatoco. Pero bago tuluyang umalis ang motorista ay inihagis ang damit sa enforcer para pamunas sa umaagos na dugo sa kanyang mukha.
Kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya katuwang ang mga enforcer ng MMDA ang suspek.