Pamaskong handog ni Joy B sa mga single mom ng QC
MANILA, Philippines – Personal na tinanggap ng may 200 single mom mula kay Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang tig-P10,000 halaga ng mga panindang bigas at grocery items sa isang simpleng seremonya sa QC hall grounds kahapon.
Bunga ng proyektong ito na tinaguriang ‘Tindahan ni Ate Joy’ ay mayroon nang 400 single mom ang nabiyayaan ng negosyong tindahan na tutulong sa pag-angat ng kanilang kabuhayan.
“Alagaan n’yo lang ito at paghusayin ang paghawak ng negosyong ito para lumago at makatulong sa inyong mga pamilya”, hiling ni Belmonte sa mga benepisyaryo ng naturang proyekto.
Iniulat din ni Belmonte na nagsagawa muna ng survey ang kanilang mga tauhan mula District 1 hanggang District 6 ng lungsod at mula rito ay pinili ang mga karapat-dapat na maging benepisyaryo ng proyekto.
Hindi pa anya nagtatapos dito ang proyektong ito dahil patuloy ang tanggapan na maglalaan ng ganitong programa para sa mga single parent upang mabigyang pagkakataon silang kumita sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maliit na tindahan.
Taong 2013 nang simulan ni Belmonte ang proyektong ito at patuloy itong ipatutupad sa susunod na taon.
- Latest