MANILA, Philippines – Upang mas lalong matutukan ang nalalapit na pagbisita ni Pope Francis sa bansa, inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang binuo nilang ‘Task Force Phantom’.
Nabatid na ang ‘Task Force Phantom’ ay binubuo ng 15 traffic constables mula MMDA at 15 miyembro ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police (PNP) na inisyuhan ng mga bagong uniporme at motorsiklo.
Napag-alaman na ang mga miyembro ng task force ay sumailalim sa mahigit isang buwang matinding security at traffic management training at siyang magbibigay ng seguridad sa Pope.
Ang naturang grupo na tinaguriang elite team ay siyang mag-e-escort sa Santo Papa at sa magiging delegasyon nito sa Leyte.
Bukod sa Papal visit, ang mga miyembro ng task force ay kabilang din sa security contingent sa iba pang malalaking events tulad ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa susunod na taon, gayundin kapag may mga VIP na bibisita sa bansa.
Bukod pa rito, magiging regular ding trabaho ng ‘Task Force Phantom’ ang panghuhuli sa mga kolorum na pampublikong sasakyan at simula kahapon ay ipinakalat na ang grupo sa bahagi ng EDSA.