MANILA, Philippines – Nalambat na ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang notoryus na holdaper na taxi driver na miyembro ng ‘Ipit taxi gang’ at itinuturing na no.1 most wanted person sa Eastern Police District matapos ang pagsalakay sa kanyang lungga sa lungsod, kamakalawa.
Ayon kay Insp. Alan dela Cruz, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group Theft and Robbery Section, si Romeo Gonzales, 53, ng Sitio Kumunoy Bagong Silangan sa lungsod ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Judge Maria Felomina Singh.
Nabatid kay Dela Cruz na ang suspect ay sangkot sa limang kaso ng robbery at illegal possession of firearms at acts of lasciviousness sa lungsod.
Ang huling biktima ng suspect ay isang Junie Anne Mariano, 35, dalaga, missionary ng Taguig City na hinoldap niya sa may isang shopping center sa Connecticut St., Greenhills San Juan City noong Nov. 19, 2014, ganap na alas-5:50 ng hapon.
Samantala, ganap na alas-10:30 ng gabi nang maaresto ng tropa ng QCPD ang suspect sa kanyang tinutuluyan sa Brgy. Bagong Silangan.
Sa tanggapan ng CIDU sa Camp Karingal ay lumutang si Mariano at personal na kinilala ang suspect na siyang nambiktima sa kanya.
Nanawagan naman ang QCPD sa mga residenteng nabiktima ng suspect na magpunta sa kanilang tanggapan para kilalanin ang suspect at mapagsama-sama ang kasong isasampa laban dito.