MANILA, Philippines – Tugis ngayon ng tropa ng Quezon City Police ang isang taxi driver na ginagamit ang kanyang trabaho sa panghoholdap, makaraang mabiktima ang isa niyang pasahero at matangay pa ang motorsiklo ng isang MMDA enforcer sa lungsod, kahapon.
Ayon kay PO3 Gerald Maravilla, desk officer ng QCPD Station 10, ang suspect ay natukoy sa pamamagitan ng kanyang biodata mula sa kompanya ng taxi na kanyang pinaglilingkuran na si Achico Adonis, 45, ng Camarin Caloocan City.
Sabi ni Maravilla, isang grupo mula sa follow-up unit ang tumutugis ngayon sa suspect matapos na biktimahin ang pasaherong si Charlote Turingan, 22, dalaga, ng Mayamot Antipolo City Rizal; at tangayin ang service motorcycle ng MMDA traffic Enforcer na si Isaac Mariano, 39 ng Baesa, Quezon city.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng EDSA, Kamuning Flyover, Brgy. South Triangle, ganap na alas- 9:30 ng umaga.
Bago ito, alas-4:15 ng madaling-araw ay sumakay ang biktimang si Turingan kasama ang isang kaibigan sa taxi na pinapasada ng suspect na may markang R. Villegas Taxi (UVB-491) at nagpahatid sa Cubao.
Pagsapit sa Kamuning Flyover, biglang naglabas ng baril ang suspect at hinoldap sina Turingan, bago kinuha ang dala nitong bag na naglalaman ng P2,500, isang PC, at isang Iphone 5 (P38,000).
Nang makuha ang pakay ay saka pinababa ang mga biktima sa lugar. Pagkababa ni Turingan ay nagsisigaw ito ng tulong hanggang sa makita sila ng MMDA enforcer na si Mariano at rumesponde.
Sakay ng kanyang motorsiklo ay hinabol ni Mariano ang taxi hanggang sa maabutan niya ito na nakaparada sa Kamuning Flyover.
Subalit, paglapit ni Mariano sa taxi ay bigla siyang tinutukan ng baril ng suspect, at kinuha ang kanyang motorsiklo na may isyung handheld radio, saka ginamit nitong get away vehicle, patungong south bound ng Edsa Cubao.
Habang ang pinapasadang taxi ng suspect ay inabandona naman nito sa lugar. Dahil dito, nagpasya ang dalawang biktima na dumulog sa PS10 para magreklamo.Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang PS10 sa kumpanya ng nasabing taxi kung saan nabatid ang pagkatao ng suspect, base sa pahayag mismo ng dispatcher nito.