MANILA, Philippines - Walang balasahan sa hanay ng mga Station Commander at Police Community Precint ng Manila Police District pero tuloy ang ‘one strike policy’.
Ito naman ang pahayag at babala ni Manila Police District Director, Sr. Supt. Rolando Nana sa kanyang mga tauhan kaugnay ng kanyang ginagawang paglilinis ng kapulisan at mga lugar sa Maynila.
Ayon kay Nana, kailangan munang makita ng publiko na maayos at nasa tamang sistema ang naipatutupad sa mga pulis bago makuha ang respeto ng publiko. Patuloy namang ipinatutupad ang ‘one strike policy’ sakaling mahulihan ng sugal, at illegal drugs ang mga nasasakupang police stations.
Sinabi ni Nana nasimulan na niya ito ng kanyang matuklasan ang mga shabu, marijuana at valium na nasa locker ng mga pulis.
Nakarating umano sa kanyang tanggapan na ginagamit ng mga pulis ng District Anti- Illegal Drugs (DAID) ang mga nakuhang drugs sa pangingikil sa mga sibilyan.
Idinagdag pa ni Nana na magkakaroon din sila ng random drug test para sa lahat ng mga pulis.
Samantala sinabi naman ni Chief Insp. Glenn Gonzales, hepe ng DAID na magsasagawa sila ng seminar at refreshment course para sa mga bagong pulis na itinalaga sa DAID.
Ayon kay Gonzales mahalaga na sumailalim sa seminar ang 13 pulis na ipinalit sa mga nasibak upang malaman ng mga ito ang tamang proseso sa pagsita, pag-aresto at pagsasampa ng kaso laban sa sinumang suspek na hindi nalalabag ang karapatan.
Kasama sa mga magsasagawa ng seminar ay ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force gayundin ang mga prosecutors ng iba’t ibang korte. Isasama din sa seminar ang mga pulis ng Station Anti-Illegal Drugs.