MANILA, Philippines - Hinihinalang onsehan sa droga ang dahilan ng pagpatay sa isang babae na sinaksak at binaril ng tatlong kalalakihan sa Pasig City kahapon ng madaling-araw.
Dead on the spot ang biktima na inilarawan na nasa 20-25-anyos, may taas na 5’1”, kayumanggi, nakasuot ng sleeveless na blouse at printed na leggings. Mabilis namang tumakas ang tatlong lalaking suspek matapos ang krimen.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Laurence Punzalan, ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB) ng Pasig City Police, dakong alas-3:50 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Market Ave., Bgy. Palatiw, sa lungsod.
Sa salaysay ng testigo, narinig niya ang walang tigil na tahulan ng mga aso sa labas ng bahay kung saan nakita niya ang biktima na nakikipag-usap sa dalawang lalaki.
Naulinigan pa umano niya ang babae na sinasabi sa mga lalaki na,”Ginagawa ko naman ang pinagagawa niyo ah!” Inakala ng testigo na tampuhan lamang ng magkakaibigan ang nagaganap kaya’t hindi na niya ito pinansin.
Makalipas ang ilang minuto ay narinig niya ang biktima na humihingi ng tulong kaya’t muli siyang sumilip sa labas at nakita ang biktima na pinagtutulungang saksakin ng dalawang suspek.
Lalabas umano sana ang testigo upang tulungan ang biktima ngunit nakita umano niya ang ikatlong suspek na papalapit at armado ng baril saka pinaputukan ang biktima ng dalawang beses kaya’t hindi na siya lumabas pa sa pangambang madamay sa krimen.
Kaagad umanong itinawag ng testigo sa mga awtoridad ang insidente ngunit hindi na naabutan ng mga rumespondeng pulis ang mga suspek.
Ayon kay Punzalan, narekober nila sa crime scene ang backpack ng biktima na may dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na nakalagay sa isang posporo.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ang nasabing kaso upang makilala ang biktima at mga suspek at matukoy na rin ang tunay na motibo ng krimen.