MANILA, Philippines – Tatlong katao ang nalambat ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) sa magkakahiwalay na operasyon sa Marikina, Pasig at Mandaluyong, kamakalawa, kaugnay ng kanilang kampanya laban sa illegal na droga.
Kinilala ang mga suspek na sina Jimmy Montalban, ng Brgy. Santolan, Pasig City; Mahid Amer, ng Brgy. Tumana, Marikina Cty at Efren Esparagoza ng Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.
Batay sa ulat ng EPD, nabatid na si Montalban ay inaresto ng mga awtoridad dakong alas-7:00 ng gabi habang nagsasagawa ng routinary patrol sa Tawiran St., Brgy. Santolan, Pasig.
Unang inaresto si Montalban dahil sa paglabag sa city ordinance na nagbabawal sa pagtatapon ng basura sa pampublikong lugar. Gayunman, nang inspeksyunin ay narekober mula sa kanyang pag-iingat ang dalawang pirasong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Dakong alas-10:30 naman ng gabi nang madakip ng Marikina Police Station Anti-Illegal Drugs (SAID) si Amer sa isang buy-bust operation sa Lacson Compound Talong St., Barangay Tumana.
Kaagad na pinosasan ng mga awtoridad ang suspek nang tanggapin nito ang marked money mula sa isang undercover agent at nahulihan ito ng apat na heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Samantala, si Esparagoza ay inaresto ng mga element ng Anti-Vice Division dakong alas-9:00 ng gabi sa Acacia Lane St., Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City, matapos na makumpiskahan ng plastic sachet ng shabu
Ang tatlong suspek ay pawang nakakulong na at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o mas kilala sa tawag na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002
Binalaan naman ni EPD Director P/Chief Superintendent Abelardo Villacorta ang mga drug peddlers na huwag magkamaling dalhin ang kanilang illegal na negosyo sa kanyang nasasakupan at tiniyak na tuloy ang pinaigting nilang kampanya laban sa illegal drugs.