MANILA, Philippines – Timbog ang isang notoryus na assassin o triggerman at kanang-kamay ng big-time drug lord na siya ring tagapamahala sa sindikato ng ‘pailaw’ sa iligal na koneksyon nang salakayin ang kanyang lungga ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD), kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Senior Supt. Raymund Liguden, hepe ng District Intelligence Division, ang nadakip ay si Marvin Austero, alyas Benjo na sa kanilang impormasyon ay siyang nagpapatakbo ng sindikato na pinamumunuan ng nakapiit na si Senaya Sandagan.
Dakong alas-10:30 ng gabi nitong Biyernes nang madakip si Austero na nagtangka pang tumakas subalit nakubkob din habang nasa bubong ng mga barung-barong malapit sa Gate 62, ng Parola Compound.
Nakuha sa kaniyang pag-iingat ang isang granada, 7 gramo ng shabu at isang shotgun ng mga operatiba ng DID, station 2 at station 11 ng MPD.
Sinabi ni Liguden na bukod sa maraming nakabinbing warrant of arrest si Austero, nakalap nila na ito ang tumatayong tagasingil ng remittance ng mga suki sa iligal na droga at kung hindi nakapagbabayad ang ilang smalltime pusher ay si Austero din ang taga-patay.
“Siya ang taga-patay sa mga hindi nakapag- remit ng income nila sa illegal drugs, siya rin ang taga-singil ng kita sa drugs at doon sa pailaw nila. Of course, taking the cue from Sandagan,” ani Liguden.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa illegal possession of firearms and explosives at illegal possession of illegal drugs o RA 9165.