MANILA, Philippines - Nakakuha ng closed circuit television (CCTV) footage ang itinatag na ‘Task Force Flores’ na may na-capture na mukha ng gunman sa pamamaslang kay PO3 Ronaldo Flores, miyembro ng Manila Traffic Enforcement Unit noong Nobyembre 13 ng gabi sa Legarda, Maynila.
Kasabay nito, kahapon ay nagpakalat na rin si Senior Supt. Gilbert Cruz, hepe ng Task Force Flores, ng nai-print na larawan ng gunman, mula sa kopya ng footage na hawak nila upang mas mapadali ang pag-aresto sa suspek.
Panawagan ni Cruz sa publiko, makipagtulungan sa MPD sa pamamagitan ng mga numerong nakalagay sa larawan upang makamit ni PO3 Flores ang hustisya.
“Nag-volunteer na ako na humawak ng task force na ito kasi good cop talaga si Flores, wala kaming nakuhang bad comment laban sa kaniya at sabi ng hepe niya best traffic police siya, walang rekord ng kotong o anupaman,” dagdag ni Cruz.
Nabatid na patuloy sa follow-up operation ang nasabing task force upang madakip ang suspek.
Ayon pa kay Col. Cruz, nagsilbing lead nila sa isinasagawang follow-up operation ang pagkumpirma ng dalawang saksi sa krimen na ang mukha ng lalaking nakasuot ng puti na t-shirt na nakitang nagsusukbit ng 2 baril. Siya din umano ang nakitang papatakas mula sa crime scene, taliwas sa direksyon na tinakbuhan ng nagpulasang mga tao. May patong ito sa ulo na P300,000.
Nakita rin ang nasabing lalaki na matagal munang nagmamanman habang nagmamando ng trapiko sa Legarda si PO3 Flores. Pumasok pa muna ng isang establisyemento ang suspek at nang makatiyempo ay mabilis na pinuntahan ang pulis at niratrat, bago tumakas sakay ng isang motorsiklo.