MANILA, Philippines - Isang babaeng pasyente sa Quezon City General Hospital ang nasawi makaraan umanong tumalon mula sa ikalawang palapag ng Quezon City General Hospital, kahapon ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Amora Tenegra, 35, residente ng Phase 2, Package 1, Block 8, Lot 37, Bagong Silang Caloocan City.
Sa pagsisiyasat ni PO2 George Caculba, lumilitaw na ang biktima ay dumaranas ng pagdurugo sa kanyang kaselanan nang halos 22 araw at na-admit sa ospital noon pang Noyembre 13, 2014.
Isinailalim na din ang biktima sa surgical operation at simula noon ay walang dumadalaw na kaanak nito.
Matapos na bigyan ng gamot ng nurse si Flos Carmeli Sobreo ang biktima na nasa OB isolation room ay iniwan na niya ito. Ilang minuto ay bigla na lang narinig ang sigawan sa pagkahulog nito.
Agad na isinugod ang biktima sa emergency room ng ospital subalit idineklara na itong patay.
Sa pagsisiyasat, nabatid na ang biktima ay nagtamo ng multiple injuries sa kanyang ulo.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ang insidente.