MANILA, Philippines - Isa pang insidente ng pagdukot sa isang grade 9 student ng dalawang lalaking nakamaskara at nakasakay sa isang puting UV Express sa Taguig City, ang naitala ng pulisya.
Ayon sa report na natanggap ni Chief Inspector Benito Basilio, hepe ng Criminal Investigation Division ng Taguig City Police, base sa reklamo ng 15-anyos na biktima, estudyante sa isang public school, naganap ang insidente noong nakalipas na Martes, alas-3:00 ng hapon sa kahabaan ng General Luna St., Brgy. Ususan ng naturang lungsod.
Nabatid na naglalakad ang biktima sa naturang lugar nang biglang lumapit sa kanya ang dalawang lalaking nakamaskara o naka-bonnet at biglang tinakpan ang kanyang bibig ng panyo.
Nahilo umano ang biktima matapos na may malanghap sa itinakip na panyo. Kasunod nito ay isinakay umano ang biktima sa isang kulay puting UV Express, subalit hindi niya aniya natandaan ang plaka nito matapos na tuluyan na itong nawalan ng malay.
Paggising ng biktima ay nasa loob na siya ng van at narinig niya sa usapan ng mga suspek na ibebenta siya ng mga ito.
Sa takot ng biktima ay pilit niyang binuksan ang likod ng pintuan ng van hanggang sa nakatakas ito at dali-daling umuwi ng kanilang bahay at nagsumbong sa kanyang mga magulang na nagreklamo naman sa himpilan ng pulisya.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.
Matatandaan na sa Makati, dinukot at hinalay din ang isang isang 21-anyos na dalaga. Isa ring 14-anyos na nene ang isinakay din sa van at saka umano’y minolestiya rin.