MANILA, Philippines - Isang 24-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) ang nang-agaw ng baril sa security guard ng Ospital ng Maynila, sa Malate, kahapon ng umaga.
Ayon kay SPO1 Fernan Allan Leano, desk officer ng MPD-Station 9, ang OFW na isang out-patient sa ospital ay kinilalang si Rene Beboso, residente ng Emison St., Camella Homes, San Nicolas, Bacoor, Cavite.
Dakong alas-8:00 ng umaga nang dalhin umano ng mga kaanak si Beboso sa OSMA upang ipa-check-up dahil sa karamdaman nito, maging ang hindi na matinong pag-iisip.
Subalit habang nasa entrance gate ng ospital ay bigla nitong inagawan ng service firearm na .357 magnum ang nakatalagang sekyu na si Jason Padua. Nagpambuno ang dalawa hanggang sa pumutok ang baril at mabawi ito ng sekyu. Rumesponde naman ang mga tauhan ng pulisya upang mapayapa ang OFW.
Nabatid na bago dalhin sa OSMA si Beboso , naisugod ito kamakailan lang sa Asian Medical Hospital, sa Alabang, Muntinlupa City dahil sa tangkang pagpapakamatay sa pamamagitan ng paglaslas sa kaniyang lalamunan.
Sinabi din umano ng kaniyang kapatid na si Mary Jane na nawala sa sarili ang kapatid at palaging balisa nang ito ay dumating mula sa ibayong dagat.
Kahapon ay nakatakdang ilipat sa psychiatry ward ng University of the East Ramon Magsaysay (UERM) Hospital ang naturang OFW.