MANILA, Philippines - Matapos ang pitong taon na maideklarang isang lungsod ang Navotas, bubuksan na rin ang kauna-unahang pampublikong pagamutan dito, ngayon.
Kasabay ng pagbubukas ng Navotas City Hospital sa may Brgy. San Jose ang selebrasyon ng kaarawan nina Mayor John Rey Tiangco at kapatid na si Navotas Rep. Toby Tiangco. Ang pagamutan umano ang katuparan ng pangako ni Mayor Tiangco na binitiwan noong unang termino niya bilang alkalde ng lungsod.
Matatandaan na ganap na naging lungsod ang Navotas noong 2007 sa pamamagitan ng House Bill 5500 na iniakda ni dating Rep. Ricky Sandoval.
Sa pamamagitan ng bagong pagamutan, hindi na kailangang isugod ang mga pasyente sa lungsod lalo na ang mga kritikal ang buhay sa mga pribadong klinika at karatig na mga pagamutan sa Tondo, Maynila.
May 50-kamang kapasidad ang pagamutan at may siyam na departamento kabilang ang: Internal Medicine, Pediatrics, Obstetrics and Gynecology, Surgery, Emergency, Out Patient, Anesthesiology, Pathology and Radiology, at isang Eye Clinic.
Kumpleto umano ang pagamutan sa mga makabagong kagamitan na nanggaling ang pondo sa lokal na pamahalaan habang ang iba ay donasyon buhat sa mga “non-government organizations” at mga pribadong indibiduwal.
Una nang naiulat na umabot sa P225 milyon ang ginastos sa konstruksyon ng gusali sa pagamutan na nanggaling sa pinagbilhan ng mga “power barges” sa Navotas fish port nang hindi makabayad ng buwis ang mga may-ari nito.
Ipinagmalaki rin ng lungsod ang pagpapatayo ng “bombastic pumping stations” na responsible sa mahinang baha tuwing nagkakaroon ng bagyo at high tide kahit na tabing-dagat ang lungsod, 1,500 housing units sa apat na “in-city relocation sites”, at bagong Navotas Police Station.