4 ‘Bukas kotse gang’, arestado

MANILA, Philippines - Arestado ang apat na kalalakihang miyembro ng ki­labot na ‘Bukas Kotse’ gang matapos ang ginawang ope­rasyon ng awtoridad ilang minuto makaraang biktimahin ang isang pulis sa lungsod, ayon sa pulisya kahapon.

Kinilala ni Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, ang mga suspect na sina Jordan Reyeg, 37; Nestor Valdez Jr., 28; Justiano Estrella JR., 67; Christopher Mendoza, 37.

Pinaghahanap naman ang isang Casper Reyeg, na ma­bilis na nakatakas.

Sa ulat ni PO2 Louie Serbito, may-hawak ng kaso, nag-ugat ang operasyon nang biktimahin ng grupo si SPO2 Porfirio Dooc Jr., 44, naka­talaga sa District Anti-Illegal Drug ng QCPD, kung saan tinangay ng mga ito ang kanyang service pistol na nasa loob ng kanyang sasakyan.

Nangyari ang insidente malapit sa Quibientos Restaurant sa kahabaan ng Kalayaan Avenue, Brgy. Central, sa pagitan ng alas-10:30 ng umaga at ala-1 ng hapon nitong nakalipas na Martes.
Sinasabing nakaparada ang sasakyan ng pulis sa lugar nang basagin ng mga suspect ang salamin nito at kunin ang baril saka tatlong magazines at flash light na nasa loob nito.

Agad na ini-report ni Dooc ang pangyayari sa CIDU dahilan para magsagawa ng operasyon.

Ganap na alas-9 ng gabi, naaresto ng mga tropa ng Ba­rangay Central ang suspect na si Casper na isa sa umano’y sangkot sa pagtangay ng baril ni Dooc. Dahil dito, itinuga ni Casper ang kanyang mga kasamahan sanhi para magsagawa ng follow-up operation at maaresto sina Jordan Reyeg at Nestor Valdez.

Nang kapkapan ang da­lawa ay narekober sa mga ito ang dalawang patalim at limang sachet ng shabu. Habang inaaresto ang dalawa ay nagawang makatakbo at matakas ni Casper kahit ito ay naka-posas. Sa ginawang interogasyon, ikinanta nila Jordan at Valdez na ibinenta nila ang baril ni Dooc kay Estrella sa halagang P6,000 dahilan para lusubin nila ang lugar ng huli sa Brgy. Marilag at marekober ang isang 12 gauge shotgun na may 14 na bala, isang magazine ng Glock 9mm, at holster ng flashlight ni Dooc.

Sa isa pang follow-up ope­ration na ginawa ay narekober na ang baril ni Dooc kay Mendoza na umano’y ibinenta dito ni Estrella sa halagang P16,000.

 

Show comments