Stude hulog sa bus, nasagasaan pa

Humandusay sa kalsada  ang estudyanteng biktima makaraang mahulog sa sinasakyang bus at masagasaan pa kahapon ng umaga. (Kuha ni BERNARDO BATUIGAS)

MANILA, Philippines - Isang 18-anyos na es­tud­yante ang nasawi makaraang mahulog at masagasaan pa ng isang pampasaherong bus sa Cubao, lungsod Quezon kahapon.

Sa ulat ni PO3 Perlito Datu ng Quezon City Police District-Traffic Sector 3, nakilala ang biktima na si Roberto Padirao, ng Block 1, Lot 18, Centerville, Brgy. Sto Cristo, San Jose Del Monte Bulacan.

Nasa kustodiya naman ng PS3 ang driver ng bus na si Nelson John Acera, 26.

Nangyari ang insi­dente sa Main Avenue, Cubao, Barangay Soccoro ganap na alas-7:45 ng umaga. Diumano, tinatahak ng Elena Liner bus na minamaneho ni Acera ang kahabaan ng EDSA north-bound, corner Boni Serrano Avenue, patungong Aurora Blvd., nang pagsapit sa na­turang lugar ay akmang sa­sakay ang biktima.

Sinasabing habang papasakay ang biktima sa bus, partikular sa hu­lihang pinto nito nang bigla umanong umarangkada ang bus at mahulog ang una sa semento at ma­sagasaan pa.

Nagawa pang ma­itakbo ang biktima sa East Avenue Medical center, subalit idineklara rin itong dead-on-arrival.

Patuloy ang imbesti­gas­yon ng awtoridad sa na­sabing insidente.

 

Show comments