MANILA, Philippines – Siyam na pinaniniwalaang karnap na sasakyan ang narekober samantalang pinaghahanap pa ng pulisya ang magkapatid na karnaper sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.
Sa report na natanggap ni Senior Supt. Ariel Andrade, hepe ng Parañaque City Police, hanggang ngayon ay nakakalaya pa ang magkapatid na sina Russel at Romulo Dolor Pacia Jr., kapwa taga-Sun Valley, Brgy. 195 ng naturang lungsod na nahaharap ang mga ito sa kasong 8 counts of carnapping at estafa.
Samantala, nasa custody ngayon ng Parañaque City Police ang siyam na sasakyan at ang mga ito ay ang apat na Nissan Somera; apat na Toyota Vios at Kia Picanto. Karamihan sa mga ito ay bago pa at wala pang plaka.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, alas-11:00 ng gabi nang marekober ang nabanggit na mga sasakyan sa Multi-National Village, Brgy. Moonwalk, Parañaque City ng operatiba ng Anti-Carnapping Unit ng Parañaque City Police sa pamumuno ni Police Supt. Teofilo Andrada. Base na rin sa naging reklamo ng mga biktima na nagbulgar sa modus operandi ng mga suspek na ito ay hihimukin ang may-ari ng kotse na paupahan ang kanilang mga bagong sasakyan.
Halimbawa, P15,000 kada buwan ang binabayarang hulog ng may-ari, aalukin ito ng mga suspek ng P30,000 kada buwan at matapos ang isa hanggang dalawang buwang hulog, hindi na makikita ang sasakyan dahil tinangay na ng mga suspek.
Ayon pa sa pulisya, hindi umano ito pangkaraniwang paraan ng pangangarnap habang patuloy pang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga pulis.