Car dealer dinale ng de-motorsiklong kawatan

MANILA, Philippines – Muli na namang umatake ang riding in tandem na snatcher matapos na biktimahin ang isang car dealer at natangay mula dito ang tinatayang nasa P50,000 cash at mga mama­haling gamit sa lungsod Quezon, kamakalawa. Sa ulat ni PO3 Michael de Leon ng Quezon City Police Station 6, ang biktima ay nakilalang si Anvie Abe, 27, marketing associate ng Auto Car Corporation at residente sa Kapalaran St., Litex Road, Brgy. Commonwealth. Ayon kay De Leon, riding-in-tandem criminals ang nambiktima kay Abe na naganap sa may harap ng Saint Peter Parish Church sa Commonwealth Avenue, dakong alas-11:20 ng gabi.  Diumano, nakatayo ang biktima sa bangketa sa labas ng simbahan nang mula sa kanyang likuran ay mapadaan ang magka-angkas sa isang motorsiklo. Mula dito, bigla na lamang hinablot ng angkas ang dalang bag ng biktima na naglalaman ng naturang mga gamit saka sumibat papalayo sa lugar. Wala namang nagawa ang biktima dahil mabilis na humarurot ang motorsiklo ng mga suspect na hindi naplakahan. Patuloy ang isinasagawang follow-up operation sa insidente.

Show comments