MANILA, Philippines – Patay ang isang pitong buwang gulang na sanggol matapos ma-suffocate habang nasusunog ang kanilang tinitirhan kamakalawa sa Muntinlupa City.
Alas-6:15 ng gabi, idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Shamir Syron San Juan matapos itong ma-suffocate sanhi ng makapal na usok sa naganap na sunog.
Base sa report na natanggap ni Supt. Roderick Aguto, Muntinlupa City Fire Marshall, naganap ang insidente alas-5:20 ng hapon sa Purok 1, Brgy. Buli ng naturang lungsod.
Ayon sa pagsisiyasat ni SFO2 Rodolfo Aguilar, bigla na lamang nagliyab ang naturang bahay na pag-aari ni Robert San Juan.
Dahil sa makapal na usok, nagawa pa ring makuha ang sanggol mula sa naturang nasusunog na bahay ng kanyang mga kaanak at kaagad itong dinala sa naturang pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Faulty electrical wiring ang hinihinalang dahilan sa pagsiklab ng apoy na umabot sa ikalawang alarma.