MANILA, Philippines – Dalawang impormante ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tumanggap ng kabuuang P4 milyong pabuya dahil sa pagkakaaresto sa mga malalaking personalidad na sangkot sa iligal na droga, ayon sa ulat kahapon.
Ang mga tumanggap ng pabuya ay itinago sa mga pangalang Astig at Asgit na nakakuha ng tig-P2 milyong halaga ng pabuya mula kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac Jr.
Ayon kay Cacdac, si Astig ang nakapagbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska sa may 276.782 kilograms ng shabu at pagkakadakip sa dalawang Filipino-Chinese nationals sa isinasawang pagsalakay sa may Brgy. Sindalan, San Fernando, Pampanga noong September 12, 2014.
Habang si Asgit naman ang dahilan para mahuli ang tatlong drug personalities, kabilang ang dalawang Chinese nationals kung saan nakumpiska ang may 187.92 kilograms ng shabu at 189.97 kilograms ng ephedrine sa pagsalakay sa Brgy. San Jose, sa San Fernando Pampanga ng nasabi ring petsa.