MANILA, Philippines – Tatlong nurse ang nasawi, habang apat na katao pa ang nasugatan, nang magkasalpukan ang isang Sports Utility Vehicle (SUV) at isang Asian Utility Vehicle (AUV) sa Pasig City, kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasawi ay nakilalang sina Lyn Pascua, 29; Rose Ann Ozucena, 23, at Janine Ray Manzanida, 25 na pawang nurse sa Salve Regina Hospital.
Ang mga nasugatan naman ay nakilalang sina Jacklyn Mae Terrado, 25 at Bubbles Lapu-os, 23, na kapwa nurse din at kasamahan ng mga nasawi.
Sugatan din sina Ryan Lester Yadao, 29; at Luis Asistio III.
Sa imbestigasyon ni PO3 Cristino Silayan ng Vehicular Traffic Investigation Unit (VTIU) ng Pasig police, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-2:30 ng madaling araw sa C-5 Fly over Brgy. Ugong sa lungsod.
Ayon kay PO3 Silayan, ang limang nurse ay sakay ng AUV na Toyota Innova (AAM-2365) na minamaneho ni Yadao habang si Asistio ay mag-isang sakay ng SUV na Mitsubishi Montero (KEX-246) nang maganap ang aksidente.
Sinabi ni Silayan na nasa southbound ang Montero nang bumangga ito sa plantbox sa center island ng flyover bago tuluyang lumipad patungo sa kabilang lane at sinalpok ang kasalubong na Innova.
Dahil sa lakas nang pagkakabangga ay natapyas ang bubong ng Innova, saka sumampa sa center island habang bumaligtad naman ang Montero ni Asistio.
Kaagad namang isinugod ang mga biktima sa Rizal Medical Center ngunit idineklarang nasawi sa aksidente ang tatlong nurse, na pawang nagtamo ng mga sugat sa kanilang ulo.
Ayon sa ilang tauhan ng Pasig Rescue Team posibleng nakainom ng alak si Asistio dahil amoy alak ang loob ng sasakyan at may nakita pang dalawang bote ng serbesa sa loob ng SUV nito.
Sinabi naman sa PSN ni P/Insp. Ernesto Mones, hepe ng VTIU, na nagtalaga ng police security sa Rizal Medical Center upang bantayan si Asistio na ngayon ay nahaharap sa kasong multiple homicide with multiple physical injuries at damage to property.
Sa ngayon ay inaalam na rin ng mga awtoridad kung apo nga ni dating Rep. Luis Asistio ang driver ng SUV pero may impormasyong nakalap na nagtungo na sa pagamutan ang pamilya ni Asistio at itinanggi na kaanak nila ang dating mambabatas.