MANILA, Philippines – Dinagsa ng umaabot sa 10,000 katao ang makulay na paradang nilahukan kamakailan hindi lamang ng mga residente kundi maging ng mga turistang bumibisita ang unang pagdiriwang sa pagkakahirang sa Puerto Princesa Subterranean River National Park sa 7 New Wonders of Nature noong 2011.
Ang selebrasyon ay pinangunahan ni Mayor Lucilo R. Bayron alinsunod sa Presidential Proclamation No. 816 na pinagtibay ni Pangulong Aquino.
Tampok sa kauna-unahang selebrasyon ang mga karosa na nakasentro sa temang pangkalikasan partikular na ang underground river, mga isda, halamang dagat na makikita sa Tubbataha Reef at Pyro Musical Display.
Kabilang sa mga lumahok sa city-wide parade sina G. Jean Paul de la Fuente, director ng New 7 Wonders of Nature, Executive Director Vincent V. Hilomen ng Biodiversity Management Bureau ng Department of Environment Nature Resources, mga mag-aaral mula sa pampubliko at pribadong paaralan, kawani ng barangay at pamahalaan, mga katutubo at non-government organizations.
Ipinarada rin ang iba’t ibang kasuotan at ‘head dress’ na gawa sa walis tambo, walis tingting, makukulay na balahibo at makikintab na papel, kung saan nangibabaw ang disenyong “tandikan” o Palawan Peacock, gayundin ang mga kasuotang ayos paniki, unggoy, bayawak at musang.
Ngayong 2014 ay umabot na sa 568,000 ang tourist arrival sa lungsod at mula rito ay nasa 241,155 ang bumisita sa underground river na inaasahang lolobo pa sa pagpasok ng kapaskuhan.
Sa mahigit isang taong panunungkulan ni Mayor Bayron, patuloy na umaakyat ang bilang ng mga turistang bumibisita upang mamasyal samantalang ang iba ay nakikipag-ugnayan para sa posibilidad ng pagnenegosyo.
Isang concert din para sa mga residente ang itataguyod ni Mayor Bayron ngayong Nobyembre na bahagi pa rin ng selebrasyon para sa anibersaryo ng Underground River.