MANILA, Philippines – Limang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang sinibak bunsod ng reklamong pangongotong.
Batay sa memorandum, Nobyembre 10 epektibo ang pagtatanggal sa serbisyo kina Michael Depanes, Nickole Fernandez, Mario Santos, Richard Tan Sanchez at Chris Allan Zapata.
Ayon kay MTPB Director Carter Don Logica, ang lima ay inireklamo ng pangongotong sa panulukan ng Yuseco St. corner Rizal Avenue sa Maynila.
Giit ni Logica, ang pangongotong ang kauna-unahang ipinagbabawal sa mga traffic enforcers kung saan bahagi ito ng kanilang orientation sa pagpasok pa lamang bilang traffic enforcer.
Samantala, nagsagawa rin ng clearing operations si Carter at kanyang mga tauhan sa Antonio Rivera corner C.M. Recto/ Tutuban; Puregold Pritil-Juan Luna; Abad Santos-LRT station Rizal Ave.; Quiapo, Quezon Blvd.; Panaderos-Sta. Ana at Altura-Magsaysay.