‘Traffic summit’ ilalarga ng Caloocan police sa kapaskuhan
MANILA, Philippines – Plano ng pamunuan ng Caloocan City Police na magsagawa ng “traffic summit” ngayong Disyembre upang mas mapaghandaan ang sari-saring problema sa trapiko at krimen sa kalsada na karaniwang kaakibat ng pagpasok ng Kapaskuhan.
Sinabi ni Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Bartolome Bustamante, isasama sa naturang summit ang mga opisyales at tauhan ng lahat ng units ng Caloocan Police partikular ang Traffic Management Unit, mga kinatawan ng Highway Patrol Group (HPG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga opisyales at tauhan ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) sa Caloocan City Hall at mga tauhan ng barangay.
Ang plano umano niyang “transport summit” ay base sa “marching orders” na ibinigay ni Mayor Oscar Malapitan na nag-utos na lansagin lahat ang krimen sa kalsada tulad ng mga “motorcycle riding criminals”, mga karnaper at mga holdaper at mandurukot na karaniwang sumasalakay kapag magpa-Pasko na.
Nais ng opisyal na matuto na mag-imbestiga ang mga karaniwang pulis sa mga aksidente sa kalsada upang hindi na tumagal ang mga nakahambalang na sasakyan sa paghihintay ng kuwalipikadong imbestigador.
Sa pamamagitan nito, mapapabilis ang pag-alis sa mga sasakyang sangkot sa aksidente habang didiretso na sa istasyon ang imbestigasyon kung magagawan kaagad ng ulat ng “first responder” na pulis kahit hindi ito traffic police.
Nakapaloob rin dito ang pagpapalabas ni Bustamante sa mas maraming pulis sa kanilang opisina at gawing tatlong “shifts” ang mga pulis na nasa “beat patrol” para magbantay partikular na kapag sumapit na ang “Simbang Gabi”.
Kasalukuyang pagtitiyagaan muna umano ng Caloocan Police ang nasa 780 nilang pulis habang hinihintay ang tugon ng DILG at PNP sa matagal nang kahilingan ni Malapitan na doblehin ang bilang ng pulis sa lungsod na ikatlo sa pinakamalaking populasyon sa Metro Manila.
- Latest