MANILA, Philippines – Tiniyak ng Manila Police District (MPD) na unti-unti nang mawawala ang nakagawiang “pambabangketa” ng iligal na droga ng mga pulis-Maynila matapos ang pagkakadiskubre ng ilang mga marijuana, shabu at tablet sa District Anti-Illegal Drugs (DAID) noong nakaraang linggo.
Kasabay nito, sinabi ni Supt. Marissa Bruno, hepe ng MPD-PIO, na posibleng matanggal sa serbisyo at kasuhan ang 14 na pulis ng DAID sakaling magpositibo ang resulta ng crime laboratory.
Ayon kay Bruno, dapat na magsilbing aral umano ito sa mga pulis na patuloy na nagsasagawa ng mga illegal operation kung saan ang mga inosenteng sibilyan naman ang siyang nagiging biktima.
Kadalasan aniyang, ginagawang ebidensiya ng mga pulis ang hawak na droga sa isang sibilyan upang pagkakitaan ang pakikipag-areglo. Wala umanong fall guy sa anumang uri ng kaso at krimen.
Sinabi ni Bruno, na ang sopresang inspeksiyon ni MPD Director Sr. Supt. Rolando Nana noong nakaraang linggo sa DAID ay alinsunod na rin sa kanyang natatanggap na reklamo at impormasyon kung saan nagiging gatasan ng mga pulis.
Sa ngayon aniya, ang 14 na tauhan ng DAID ay sinibak at dinisarmahan kasabay ng pagsasailalim sa mga ito sa drug testing. Nakuhanan ang DAID ng marijuana, tablet na pinaniniwalaang Valium, shabu at shabu paraphernalias.
Naniniwala si Bruno na matagal ng nangyayari ito sa DAID subalit hindi lamang nabubuwag.
Hindi rin umano negatibo sa puwersa ng MPD ang pagkakadiskubre ng illegal na operasyon ng DAID at sa halip ay malaking hamon sa pulisya na mas lalo pa umanong paigtingin ang kanilang kampanya sa illegal drugs at iba pang uri ng krimen.
Pansamantalang pamumunuan ni Insp. Randy Pastra Veran ang DAID.
Samantala, pabor naman si Manila 4th District Councilor Anton Capistrano sa ginawa ni Nana dahil indikasyon lamang ito na sinsero ang MPD chief na simulan ang paglilinis sa kanyang hanay kung saan masusundan naman ng paglilinis ng lungsod mula sa iba’t ibang katiwalian at pang-aabuso.
Dito ay mabibigyan ni Nana ng seguridad ang mga Manilenyo.