Amang nanunog ng anak, nagbigti

MANILA, Philippines – Dahil sa matinding kurot ng konsensya, winakasan ng isang sepulturerong ama na nanunog sa neneng anak ang sariling buhay nang magbigti sa loob ng isa sa museleo sa Manila South Cemetery sa Makati City kahapon ng umaga.

Dakong alas-8 ng umaga nang matagpuan ng mga kapwa sepulturero ang bangkay ni Emmanuel Santos na nakabigti sa loob ng musuleo.  Isinugod pa ito sa Sta. Ana Hospital ngunit hindi na umabot ng buhay.

Noong nakaraang linggo, nang sabuyan ng thinner ni Santos at sunugin ang 11-anyos niyang anak na babae na dumadalaw lang sa kanya dahil sa hiwalay na sa asawa. Nagtamo ng 2nd degree burns sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na nakatakdang operahan sa Ospital ng Makati makaraang sagutin ni Mayor Junjun Binay ang lahat ng gastusin.

Nabatid na nagkahiwalay ang mga magulang ng biktima dahil sa umano’y pagiging sugapa sa iligal na droga ng nagbigting mister. Nasa impluwensya umano ng iligal na droga si Santos nang sunugin ang sariling anak.

Samantala, ayon sa ina ng biktima na si Weng Valdez, 40, isasailalim sa maselang operasyon ang bata dahil sa matinding  lagnat.

Ipinatawag na rin ni P/Insp. Mau Guttierez, hepe ng Women’s and Childrens Protection Desk, ang pinsan ng biktima na si “Romnick” na siya umanong nagpatay ng apoy sa katawan ng bata, upang makunan ito ng pahayag.

Show comments